Tuesday, April 24, 2012

Stolen Wish (part 2)

Kapag nagawa mo na ang lahat ng kaya mong gawin
At nasabi na lahat ng puwede mong sabihin
Ang lahat ng sakit at pangungulilang nadarama
Sa isang tula na lamang muling ilalathala.

Isang tula na sa akin ay magsisilbing paalala
Ng isang malaking pagkakamaling nagawa
Nang sa susunod ay di na maulit pa
At di na rin pamarisan pa ng iba

Minsan ako'y nagmahal ng buo, minsan naging masaya
Ngunit ito'y isang pagmamahal na aking binitiwan
Sa pagaakalang ito'y para sa ikabubuti ng karamihan
Ngayon ay labis na nagdurusa sa desisyong ginawa
Isang desisyon na ngayon ay labis kong pinagsisisihan

Ang pagmamahal na aking minsan nang binitiwan
Aking pilit na binalikan
Sa kabila ng lahat ng sakit at hirap muling ipinaglaban
Ngunit sa akin noon na ginawang paglisan siya ay labis na nasaktan
Kaya ano man ang aking gawin nauwi lang lahat sa kabiguan

Ngayon ay lubos ko nang naiintindihan
Ang totoong kahulugan ng isa sa mga sinauna pang kasabihan:
"Malalaman mo lamang ang kanyang tunay na halaga
Sa oras na siya'y tuluyang nawala na
."

Matapos ang tatlong taon
Ika'y muling nanakawan ko ng kahilingan:
Na sana sa iyong ikadalawampu't anim na kaarawan
Nawa'y ito na ang aking huling tula tungkol sa isang pag-ibig
Na nauwi sa kasawian

Kamaron: Noon at Ngayon

Kamaron kamaron,
Kamaron sa Pag-asa
Matapos ang mahigit isang dekada
Sa wakas! Nakain muli kita.

Kay tagal hinanap ang iyong lasa,
Ang ulo halos mabaliw na.
Manong, manong, hindi ka nawala sa isip ko
Ang iyong kariton, lalo ang itinitinda mo.

Laking gulat at tuwa nung biglang nakita,
"Si manong!... Ang... kamaron nya!"
Dali-dali ako'y bumili,
Nananabik habang tumutusok ng kamaron, nakangiti.

Kahit mainit pa galing sa pagkakaluto,
Ang kamaron aking agad isinubo
Di baleng mapaso!
Sa aking pagnguya,
Ako'y biglang bumalik sa aking pagkabata.

Ng naglaon, habang ang tulang ito'y aking ginagawa,
Ako'y biglang napaisip, napatanga, natulala.
Na simbolo lamang ng tunay na namimiss ko ang kamaron:

Simbolo ng mas simple, ngunit mas masayang buhay ko noon.